NEWS

ADVISORY

Año bumuo ng grupo na magsisiyasat sa mga opisyal na sangkot sa 'Boracay crisis'

March 5, 2018

Bumuo ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng 12-kataong special investigating team na magsisiyasat at magsasampa ng kaso laban sa ilang kawani ng gobyerno at pribadong indibidwal na mapapatunayang may pananagutan sa environmental crisis sa isla ng Boracay.

Sinabi ni DILG OIC-Secretary Eduardo Ano na magsasagawa ng agarang pagsisiyasat ang Boracay Investigating Team (BIT) kung ano ang maaring pananagutan ng tiwaling institusyon, opisyal ng gobyerno at empleyado na may kaugnayan sa "Boracay crisis".

“Sisiguraduhin naming mananagot ang dapat managot. Lahat ng may direktang kinalaman sa pag-iisyu ng permits sa mga lugar na hindi na dapat tayuan ng istruktura pati na ang mga pribadong tao na iligal na nagpapatakbo ng mga establisimyento at nakikipagkuntsaba sa mga opisyal ay hindi makakaligtas sa imbestigasyong ito,” pahayag ni Ano.

Itinalaga bilang chairperson ng team si DILG Assistant Secretary for Plans and Programs Epimaco V. Densing III, kasama si DILG Senior Executive Assistant Jerry A. Loresco ng Office of the Undersecretary for Peace and Order, Public Safety and Policy and Programs bilang vice chairperson.

Ayon pa kay Ano inatasan din niya ang grupo na tingnan ang ginawang paggamit sa environmental fees na nakolekta ng lokal na pamahalaan batay sa umiiral na batas.

"Saklaw ng imbestigasyon ang nakalipas na 10 taon mula 2008 hanggang 2018. Inaasahan natin na magsusumite sila ng komprehensibong report hinggil sa resulta ng kanilang pagsisiyasat sa lalong madaling panahon," saad pa niya.

Ayon sa DILG chief, ang binuong BIT ay naaayon sa supervisory power ng Kagawaran sa local government units (LGUs) at bilang pagsisiguro na ang krisis na kinakaharap ng isla na sanhi ng kapabayaan at paglabag sa environmetal at iba pang batas ay hindi na mauulit.

Una ng inirekomenda ng DILG na isailalim sa state of calamity ang Boracay upang mapabilis ang ginagawang response at rehabilitation ng national government pati na ng pribadong sektor.

Binigyan ng Pangulong Duterte ang DILG at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng anim na buwan para ipatupad ang "immediate action" at ayusin lahat ng problema may kinalaman sa Boracay environmental issues.

Miyembro din ng komite sina Bureau of Local Government Supervision (BLGS) Director Atty. Odilon L. Pasaraba; Legal and Legislative Liaison Service (LLLS) Director Atty. Romeo P. Benitez; Trial and Investigation Division officer-in-charge Atty. Maria Elena Quebral; BLGS Policy Compliance and Monitoring Division Chief Atty. Maria Rhodora R. Flores; Frederick Lubuguin of the LLLS; Atty. Benjamin Zabala of the Internal Audit Service; Engr. Richard Cruz of the Office of Project Development Services; DILG Regional Director Atty. Anthony Nuyda, Jr.; and representatives from the Bureau of Fire Protection and the Police Regional Office VI.