NEWS

Año: 18 pulis na naaktuhang natutulog sa trabaho, nag-iinuman sasampahan ng dereliction of duty at conduct unbecoming

February 9, 2018

Inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) OIC-Secretary Eduardo M. Ano na nahaharap ang 18 pulis na naaktuhang natutulog o nag-iinuman sa trabaho sa matinding kaparusahan na dereliction of duty at conduct unbecoming at iba pang naaayong kaso.

Sinabi ni Ano na nagbigay na siya ng kautusan sa National Police Commission (Napolcom) at Philippine National Police (PNP) na gawing mabilis ang paghahain ng kaso laban sa 18 pulis dahil sa kanilang maling gawain.

“Nagbigay na ako ng direktiba sa Napolcom at PNP na bigyan ng karampatang parusa ang mga pulis na ito. Kahiya-hiya para sa buong kapulisan ang ginawa nila,” aniya.

Ayon pa kay Ano, ang nasabing 18 pulis ay hindi karapat-dapat tumanggap ng umento sa sahod para sa kapulisan na nagsimula nitong Enero sapagkat sila ay malaking kahihiyan sa PNP.

“Walang karason-rason para maging tamad o tiwali ang mga pulis ngayon dahil doble na ang sahod nila. Pero imbis na maging mas masipag at masigasig sa pagpapatrolya at pagtugis sa kriminal ang 18 pulis na ito, tutulog-tulog pa sila sa trabaho,” aniya.

Sinabi din niya na inatasan niya ang lahat ng PNP regional at provincial directors na sundan ang halimbawa ni NCRPO Chief Oscar Albayalde at magsagawa ng spot checks at inspeksyon sa lahat operating units ng kapulisan upang masiguro na lahat ng pulis na nakatalaga sa mga istasyon ay nagtatrabaho.

"Pinupuri ko si Gen. Albayalde sa personal na pagsasagawa ng spot inspections. Wala pa ring makakatalo sa pagpapakita ng magandang halimbawa," isinaad niya.

Noong Miyerkules, nahuli ni NCRPO chief Albayalde na natutulog sa kanilang puwesto ang mga pulis na nakatalaga sa Maricaban Police Community Precinct (PCP) sa Pasay at nag-iinuman naman ang mga tauhan ng Sucat PCP sa Muntinlupa.

Ang mga tiwaling pulis ay agad na dinisarmahan at tinanggalan ng badge at inilipat sa Regional Personnel Holding at Accounting Unit sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Nitong Enero, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Joint Resolution No. 1 na nagpapahintulot sa pagtataas ng sahod ng lahat ng unipormadong kawani. Ang may pinakamababang ranggo na pulis ay tumatanggap na ngayon ng P29,668, o 100 porsyentong pagtaas mula sa dating P14,834 buwanang sahod.