NEWS

ADVISORY

745 na pulis na lumaban sa Marawi, na-promote; DILG hinikayat ang PNP na isabuhay ang kanilang dedikasyon sa tungkulin

June 11, 2018

Buong pagmamalaking binati ni Department of the Interior and Local Government (DILG) OIC-Secretary Eduardo M. Ano ang 745 pulis na na-promote bunga ng kanilang tagumpay sa giyera sa Marawi at hinikayat ang kapulisan ng Philippine National Police (PNP) na isabuhay ang kanilang katapangan at dedikasyon sa tungkulin.

Ipinahayag ni Ano na ipinagmamalaki niya ang bawat babae at lalakeng pulis ng PNP na itinaya ang kanilang buhay sa gitna ng digmaan na nagbunga ng tuluyang pagtatapos ng giyera sa lungsod noong ika-23 ng Oktubre, 2018.

"Ang promotion na kanilang natanggap ay munting senyales ng pasasalamat para sa mga kapulisan na nakasama natin mula unang araw hanggang sa pagtatapos ng giyera sa Marawi," ani Ano na dating Chief of Staff ng Armed Forces na isa rin sa naging susi sa pagwawakas ng nasabing giyera.

"Maliit na bagay ito kumpara sa inyong mga sakripisyo, dugo at pawis na inyong itinaya para sa kalayaan ng Lungsod ng Marawi. Lubos ang aming pasasalamat sa inyo," dagdag pa niya.

Sa 745 pulis na na-promote, 273 ay mula sa Police Regional Office (PRO) ng ARMM, mga PRO ng 2, 6, 7, 9, 10, 11, 12, 13, NCRPO at PRO COR; at 437 galing sa Special Action Force (SAF).

Labing-anim naman ang mula sa Maritime Group; anim sa Communications and Electronics Service; apat sa Health Service and Crime Laboratory Group; at tig-isa sa Criminal Investigation and Detection Group, Police Security Protection Group, Logistics Support Service, Directorate for Investigation and Detective Management, at PHAU Directorate for Personnel and Records Management (DPRM).

Ang nasabing promotion ay ipinahayag matapos aprubahan ng National Police Commission (NAPOLCOM) en banc ang Resolution No. 2018-206 na naggagawad ng special promotion na mag-aangat sa 745 na pulis ng PNP sa susunod na mataas na posisyon ayon na din sa mungkahi ni dating PNP Chief Ronald M. Dela Rosa.

Ayon sa Section 33 (b) ng Republic Act 8551, sino mang unipormadong myembro ng PNP na nagpakita ng hindi matatawarang katapangan at kagitingan maging kapalit man ng kanyang buhay na higit pa sa tawag ng kanyang tungkulin ay mapo-promote sa susunod na mas mataas na posisyon matapos mapatunayan ng Napolcom ayon sa kanilang pamantayan.

Sa loob ng 148 araw ng giyera sa Marawi, 920 lokal na grupo ng mga terorista ang kanilang nagapi kasama ang mga pinuno nito na sina Hapilon at ang Maute Brothers; 1,777 na bihag ang nasagip; 479 na bilang ng iba't ibang matataas na kalibre ng mga armas, ilang mga kanyon at pasabog, at mga improvised explosive device ang nabawi.

Hinikayat din ni Ano ang kapulisan ng PNP na gayahin at isabuhay ang katapangan at dedikasyon sa tungkulin na ipinakita ng mga na-promote na kapwa nila pulis.

"Muli ay naipamalas sa atin na ang dedikasyon sa tawag ng tungkulin ay magbubunga ng pagkilala. Nawa ay ang ipinakita ng ating 745 na kapatid sa PNP ay magsilbing inspirasyon upang atin pang pagbutihin ang kalidad ng ating paglilingkod at pagtupad ng ating mandato bilang mga lingkod-bayan," aniya.